Sangkatauhan (#4493)

Aking Diyos, na dinadalanginan ko at sinasamba! Saksi ako sa Iyong kaisahan at sa Iyong pagkaisa, at kinikilala ko ang Iyong mga kaloob, sa nakaraan at sa kasalukuyan. Ikaw ang Mapagpala sa Lahat, na ang nag-uumapaw na mga ulan ay pumatak sa matataas at gayon din sa mabababang lugar, at ang ningning ng Iyong biyaya ay nasabog sa mga masunurin at gayon din sa mga mapaghimagsik.

O Diyos ng habag, na sa Iyong pintuan ay yumukod ang pinakabuod ng habag, na sa paligid ng santuwaryo ng Iyong Kapakanan ay nakapalibot ang mapagmahal na kahabagan sa pinakabuod na diwa nito, ipinamamanhik ko sa Iyo, lakip ang pagsamo sa Iyong dati nang biyaya at ang paglapit sa Iyong kasalukuyang pagtatangkilik, na magkaroon Ka sana ng habag sa lahat ng kapahayagan ng daigdig ng buhay, at huwag ipagkait sa kanila ang mga taglay ng Iyong biyaya sa Iyong mga araw.

Lahat ay dukha at nangangailangan, at tunay na Ikaw ang May-ari ng Lahat, ang Nakasasakop sa Lahat, ang Makapangyarihan sa Lahat!

-Bahá'u'lláh
-----------------------

Sangkatauhan (#4494)

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Ikaw na magandang-loob at may kakayahan! Kami ay Iyong mga tagapaglingkod na sumisilong sa lilim ng Iyong pagpapala. Ilingap sa amin ang Iyong sulyap ng pagtatangkilik. Bigyan ng liwanag ang aming mga mata, pandinig ang aming mga tainga at pang-unawa at pag-ibig ang aming mga puso. Pagalakin at paligayahin ang aming mga kaluluwa sa pamamagitan ng Iyong masasayang balita. O Panginoon! Ituro sa amin ang landas ng Iyong Kaharian at ibangon muli kaming lahat sa pamamagitan ng hininga ng Banal na Espiritu. Ipagkaloob sa amin ang walang hanggang buhay at putungan kami ng walang katapusang karangalan. Bigkisin ang sangkatauhan at tanglawan ang daigdig ng mga tao. Nawa’y taluntunin naming lahat ang Iyong mga landas, hangarin ang Iyong mabuting kasiyahan at hanapin ang mga hiwaga ng Iyong Kaharian. O Diyos! Pagkaisahin kami at bigkisin ang aming mga puso ng Iyong di-nalalagot na ugnayan. Tunay na Ikaw ang Tagapagbigay, Ikaw ang Mahabagin at Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat!

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Sangkatauhan (#4495)

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Nilalang Mo ang lahat ng sangkatauhan buhat sa iisang pinagmulan. Nilalayon Mong lahat ay mabilang sa iisang sambahayan. Sa Iyong Banal na Harapan, silang lahat ay Iyong mga tagapaglingkod at lahat ng sangkatauhan ay sumisilong sa lilim ng Iyong Tabernakulo; lahat ay naiipon sa Iyong hapag ng pagpapala at nagniningning sa liwanag ng Iyong pagkukupkop.

O Diyos! Ikaw ay mahabagin sa lahat, pinagkalooban Mo ang lahat, nililiman Mo ang lahat, binigyan Mo ng buhay ang lahat. Lahat ay binibigyan Mo ng talino at kakayahan; lahat ay nakalubog sa karagatan ng Iyong kaawaan.

O Ikaw na mahabaging Panginoon! Pagkaisahin ang lahat. Hayaang magkasundo ang lahat ng pananampalataya, at gawing iisa ang mga bansa upang makita nila ang isa’t isa bilang iisang pamilya at ang buong daigdig ay iisang tahanan. Nawa’y mamuhay silang lahat nang sama-sama sa ganap na pagkakasunduan.

O Diyos! Itaas ang bandila ng pagiging isa ng sangkatauhan.

O Diyos! Itatag ang Pinakadakilang Kapayapaan.

Pagdikitin ang mga puso, O Diyos!

O Ikaw na mahabaging Ama, Diyos! Pasiglahin ang mga puso sa pamamagitan ng pabango ng Iyong pag-ibig. Paliwanagin ang mga mata sa pamamagitan ng tanglaw ng Iyong pamamatnubay, Pasayahin ang pandinig sa pamamagitan ng mga awit na Iyong Salita at kupku­ pin kami sa yungib ng Iyong pagpapala.

Ikaw ang Makapangyarihan at Malakas! Ikaw ang Mapagpatawad at Ikaw Siya na hindi pumapansin sa mga pagkukulang ng sangkatauhan.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Sangkatauhan (#4496)

O Diyos, O Ikaw na nagsabog ng Iyong karingalan sa nagniningning na mga realidad ng mga tao, na ipinasinag sa kanila ang makinang na mga liwanag ng kaalaman at pamamatnubay, at pinili sila mula sa lahat ng nilikhang bagay para sa marilag na biyayang ito, at ginawa silang makasaklaw ng lahat ng bagay, na maunawaan ang kanilang kaibuturang diwa, at ibunyag ang kanilang mga hiwaga, na inilalabas ang mga ito mula sa karimlan tungo sa nakikitang daigdig! “Siya ay tunay na nagpapakita ng Kaniyang tanging habag sa kaninumang loobin Niya.” (Qur’án 3:67)

O Panginoon, tulungan Mo ang Iyong mga minamahal na matamo ang kaalaman at ang mga agham at ang mga sining, at tastasin ang mga lihim na iniingatan sa kaloob-loobang realidad ng lahat ng nilikhang bagay. Gawing marinig nila ang natatagong mga katotohanan na nakasulat at nakabaon sa pinakapuso ng lahat ng umiiral. Gawin silang mga watawat ng patnubay sa lahat ng mga nilalang, at tumatagos na mga sinag ng kaisipan na nagpapasikat ng kanilang liwanag dito, sa “unang buhay.” (Qur’án 56:62) Gawin silang mga taga-akay sa Iyo, mga gabay sa Iyong landas, mga tumatakbo na humihimok sa mga tao tungo sa Iyong kaharian.

Ikaw sa katunayan ay ang Makapangyarihan, ang Tagapangalaga, ang Mabisa, ang Tagapagtanggol, ang Malakas, ang Pinaka Bukas-Palad.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

