Kabuhayan (#4414)

*Lahat ng mga kaibigan ng Diyos. . . ay dapat na magbigay ng kanilang abot-kaya, gaanuman kaliit ang kanilang handog. Ang Diyos ay hindi nagpapapasan ng higit sa kakayahan ng bawat kaluluwa. Ang mga abuloy na ito ay dapat na magbuhat sa lahat ng mga sentro at sa lahat ng mga mananampalataya. . . O mga Kaibigan ng Diyos! Tiyakin na bilang kapalit ng mga ambag na ito, ang inyong agrikultura, ang inyong industriya at ang inyong pangangalakal ay pagpapalain ng maraming karagdagan, at mga mabubuting mga biyaya at mga kaloob. Sinumang gumawa ng isang mabuting bagay ay tatanggap ng sampung-ulit na gantimpala. Walang alinlangan na ang buhay na Panginoon ay bukas-palad na magpapatibay doon sa mga gumugugol ng kanilang kayamanan para sa Kaniyang landas.


O Diyos, aking Diyos! Paliwanagin ang mga noo ng Iyong tunay na mga mangingibig, at itaguyod sila sa pamamagitan ng mala-anghel na hukbo ng tiyak na tagumpay. Pagtibayin ang kanilang mga yapak sa Iyong tuwid na landas, at mula sa isang sinaunang pagpapala, buksan Mo sa kanila ang mga pintuan ng Iyong mga biyaya; dahil ginugugol nila para sa Iyong landas ang Iyong pinagkaloob sa kanila, pinangangalagaan ang Iyong Pananampalataya, inilalagay ang buong pagtitiwala sa pag-alaala sa Iyo, inihahandog ang kanilang mga puso alang-alang sa pagmamahal sa Iyo, at di-pinagkakait ang kanilang mga pag-aari sa pagsamba sa Iyong kagandahan at sa kanilang paghanap ng mga paraang makasisiya sa Iyo.

O aking Panginoon! Pagkalooban sila ng masaganang bahagi, ng nakatakdang pakinabang at tiyak na gantimpala.

Tunay na Ikaw ang Nagbibigay Lakas, ang Tumutulong, ang Magandang-loob, ang Mapagbigay-Biyaya, ang Walang hanggang Nagkakaloob.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

Kabuhayan (#4415)

Panginoon! Kahabag-habag kami, kaya’t pagkalooban Mo kami ng Iyong tangkilik; mga dukha, kami’y pagkalooban Mo ng isang bahagi sa karagatan ng Iyong kayamanan; mga nangangailangan, kami’y Iyong bigyan ng kasiyahan; mga naaba, kami’y pagkalooban Mo ng Iyong kaluwalhatian. Ang mga ibon sa himpapawid at ang mga hayop sa parang ay nagsisitanggap ng kanilang pagkain araw-araw buhat sa Iyo, at lahat ng nilalang ay nakikibahagi sa Iyong Pangangalaga at mapagmahal na kagandahang-loob.

Huwag Mong ipagkait sa mahinang ito ang Iyong kahanga-hangang biyaya at ipagkaloob sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan ang Iyong pagpapala sa walang kakayahang kaluluwang ito.

Ipagkaloob Mo sa amin ang kakanin sa araw-araw at ang Iyong mga karagdagang biyaya ayon sa mga pangagailangan sa buhay; upang kami ay hindi manangan sa iba pa maliban sa Iyo, upang kami’y lubusang makiisa sa Iyo, upang kami’y makatuntun sa Iyong mga landas at ipahayag ang Iyong mga himala. Ikaw ang Makapangyarihan sa Lahat at ang Mapagmahal at ang Tagapagpala sa buong sangkatauhan.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

