Gabi (#4411)

O aking Diyos, aking Panginoon, Hantungan ng aking hangarin! Ito, ang Iyong tagapaglingkod, ay naglalayong matulog sa kanlungan ng Iyong kahabagan, at humimlay sa ilalim ng bubong ng Iyong biyaya, humihingi ng Iyong pangangalaga at pagtatanggol. Isinasamo ko sa Iyo, O aking Panginoon, sa pamamagitan ng Iyong matang hindi natutulog na tanuran ang aking mga mata upang huwag itong makakita ng anuman liban sa Iyo. Palakasin, kung gayon, ang kanilang paningin upang makita nila ang Iyong mga tanda, at mamalas ang Sugpungang-guhit ng Iyong Rebelasyon. Ikaw Siya na sa harap ng mga kahayagan ng Iyong walang hanggang kapangyarihan ay nangatal ang kabuuran ng lakas.

Walang ibang Diyos liban sa Iyo, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Nakasasakop sa Lahat, ang Ganap.

-Bahá'u'lláh
-----------------------

Gabi (#4412)

Paano ko mapipiling tumulog, O Diyos, aking Diyos, samantalang ang mga mata nilang naghahangad sa Iyo ay gising dahil sa kanilang pagkahiwalay sa Iyo; at paano ako makahihiga upang mapahingalay samantalang ang mga kaluluwa ng mga umiibig sa Iyo ay labis na naghihirap sa kanilang pagkalayo sa Iyong harapan?

Naipagkatiwala ko, O aking Pangi­noon ang aking espiritu at ang aking buong sarili sa kanang kamay ng Iyong kapangyarihan at ng Iyong pagkukupkop, at inihihimlay ko ang aking ulo sa aking unan sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan at ibinabangon iyon ayon sa Iyong kalooban at sa Iyong mabuting kasiyahan. Tunay na Ikaw ang Tagapagligtas, ang Tagapagkupkop, ang Makapangyarihan sa Lahat, ang Pinakamalakas.

Saksi ang Iyong kapangyarihan! Wala akong hinihiling, tulog o gising man, kundi yaong ninanais Mo. Ako ay Iyong tagapaglingkod at sumasaiyong mga kamay. Buong kahabagang tulungan Mo ako na makagawa ng makapagdadaloy sa kabanguhan ng Iyong kasiyahan. Tunay na ito ang aking pag-asa at ang pag-asa nilang nagtatamasa ng pagkakalapit sa Iyo. Purihin Ka, O Panginoon ng mga daigdig!

-Bahá'u'lláh
-----------------------

Gabi (#4413)

*O naghahanap ng Katotohanan! Kung ninanais mong buksan ng Diyos ang iyong espiritwal na mata, magsumamo ka sa Diyos, dumalangin at maki­isa sa Kaniya sa hatinggabi, sa pagsasabing:

O Panginoon, ibinaling ko ang aking mukha sa Iyong Kaharian ng Pagkaisa at ako’y nalulunod sa dagat ng Iyong kahabagan! O Panginoon, liwanagin ang aking paningin sa pamamagitan ng pagmalas sa Iyong mga tanglaw sa madilim na gabing ito, at paligayahin ako sa pamamagitan ng alak ng Iyong pag-ibig sa kahanga-hangang panahong ito! O Panginoon, hayaang marinig ko ang Iyong tawag, at buksan sa harap ng aking mukha ang mga pinto ng Iyong kalangitan, upang makita ko ang liwanag ng Iyong kaluwalhatian (Bahá) at maakit ako sa Iyong kagandahan!

Tunay, Ikaw ang Tagapagbigay, ang Magandang-loob, ang Mahabagin, ang Mapagpatawad.

-`Abdu'l-Bahá
-----------------------

